11/23/2010

Ikalawa: The Taxi Experience

Malakas ang buhos ng ulan. Hindi ko makita ang kabilang building sa may Ayala sa sobrang kapal ng buhos ng ulan. Sa bawat patak nito eh alam mo na agad na baha na sa Mandaluyong... Ano pa nga ba't stranded ako kasama ang ibang mga katrabaho sa may smoking area sa labas lang ng pantry. Wala kaming balak tumambay pero wala rin naman kaming magawa kasi nga pag sumugod kame sa ulan eh baka bigla kaming bumuo ng banda at sabay kanta ng "heto ako ohhhh, basang-basa sa ulan!"

Ayoko sanang mag yosi dahil sinisipon ako, masama ang pakiramdam, at mukhang lalagnatin. Pero dahil B.I. sila (kahit di naman sila nag aalok) ay sinisi ko sila at sinabing sila ang dahilan kung bakit ako napipilitang mag yosi. Masakit man sa lalamunan ay hala sige pa rin at nakadalawang stick bago humina ang ulan. Nang medyo humina na ito ay sabay-sabay na kaming lumabas para samantalahin ang pagkakataong panandaliang pagtila ng ulan.

Naglakad kami mula opisina hanggang sa may Buendia, katapat ng Mapua University. Doon kami nag-abang ng taxi na masasakyan. Nung una eh naisip pa naming mag jeep, kaya lang (as useless) taxi na lang. Mahirap din naman kasi sumakay ng jeep dahil kasabay ng buhos ng ulan ay ang buhos ng taong nakikipagpatayan makauwi lang. Sa kabila nito ay itinuloy namin ang pag-aabang ng taxi. Nagpalipat-lipat pa kami ng pwesto. Para kaming mga probinsyanong nagkakagulo kung saan ang tamang direksyon papuntang Wowowee. Ganun kami kaingay. Akala mo may nag-aamok ng away.

Kung saan-saan na kami nakarating ay wala pa ring gustong magsakay sa amin. Siguro ay dahil sa lima kami at overloading yun pag nahuli ng pulis. Pagkaraan ng ilang dekada ay may nahabag din na mamang driver. sa may Jupiter St. pa kame nakasakay. Dahil wala na akong pera ay sila na lamang ang nagbayad ng pamasahe. Bumaba rin ako sa may Makati Ave dahil papuntang Mandaluyong ang aking direksyon, habang sila ay papauwi na sa kani-kanilang mga bahay.

Pagbaba ng Makati Ave. ay nag simula na akong maglakad sa gitna ng malumanay na buhos ng ulan. Damang-dama ko ang hampas ng salunga ng tubig at hangin sa aking face. Oo! sa aking face! At dahil dito ay lalo akong sinipon. Patuloy na tumutulo ang aking sipon at para akong isang uhuging bata na nawawala sa gitna ng Maynila. Mabuti na lang at malabnaw ang tulo ng aking sipon at hindi halata sapagkat panay tubig ulan na rin ang aking mukha.

Una kong hinanap ang 7-11 dahil kinailangan kong mag-charge ng cellphone para ma-contact ko ang kakatagpuin ko nang mga panahong iyon. Lubhang nakakahiya na sapagkat mahigit dalawang oras na akong late sa itinakdang pagkikita. Nakapag charge naman ako ng matiwasay. Limang-piso ang bayad sa sampung minuto ng pagkakarga ng baterya. Hindi na masama. Tumagal naman ito ng mahigit tatlong oras. Matapos mag-charge ay nilisan ko na ang nasabing 7-11 store. Nakaligtaan ko pang damputin ang nilapag kong payong sa umbrella rack. Binalikan ko na lamang ito dahil napansin kong hindi lang mukha ang dinadampian ng malamig na tubig ulan sa pagkakataong iyon kundi pati bumbunan ko ay parang binabarena ng bawat patak ng tubig mula sa itaas.

Sunod kong hinanap ay ATM para makapag withdraw ako ng cash dahil nga wala na akong sapat na money. Oo! sapat na money! Matapos ang mahabang paglalakbay ay nakatagpo rin ako ng sinasabing machine. Dali-dali akong nagwithdraw kahit na hindi iyon ang aking bangko. Nag labas ako ng liman-daang piso. Oo 500 Pesos! pagkakuha ko ay dali-dali akong lumisan upang humagilap ng taxi dahil ako ay late na late na. Traffic, basa, at walang masakyan; yan ang mga description nung mga oras na yun. Naglakbay ako hanggang tulay at tinawid ko ito. Malakas ang hangin at muntik na akong tangayin papuntang ilog. Pagkababa ko ng tulay ay may nakapilang jeep na bagamat puno na ay mukhang wala pang balak umalis. Kaya't naisipan ko na lang na ituloy ang balak ng pagtataxi. Lumipat pa ako sa may bandang unahan upang mag-abang ng masasakyan. Puno, may sakay, at mga driver na halatang walang balak pumunta ng Mandaluyong ang aking nasubaybayan. Sa loob-loob ko, "pa'no ba to?" Hindi ko na sinagot ang aking tanong dahil sa wakas ay may napara akong taxi.

"Saan kayo?"

Ako at si Manong Driver
Lumingon ako sa paligid dahil mag-isa lang naman ako. Sinabi ko na lang na sa Kalentong ang aking destinasyon. At agad nyang nasabi, "Nakow!!! Kalintowng!!" Gusto ko sanang matawa kaya lang ay baka sumabog ang sipon ko sa windshield ng taxi nya. Hinawakan ko na lang ang panyo ko sabay singa. Nagsasalita pa siyang mag-isa at sinasabing traffic daw dun pero tuloy-tuloy lang naman siyang magdrive kaya di ko na lang pinansin kung ano man ang problema nya.

Ang daming kwento ni manong. May pasahero daw siyang di alam kung saan pupunta. Inaway pa daw siya ng amo ng sakay nya dahil sa sobrang tagal nilang dumating sa lokasyon (siguro ay dahil nga sa hindi alam ng pasahero kung san ito tutungo). Gusto ko sanang mainis, kaya lang baka bigla nya kong ibaba pag di ako nakinig sa kanyang mga hinaing. Pumasok pa siya sa isang gasoline station. Tumingin ako sa panel nya pero puno pa naman ang tangke ng gasolina. Yun pala, yung tangke nya ay puno na rin kaya dali-dali siyang bumaba at pumasok sa kubeta. Sabi nya, "sandali lang bossing". Sige na lang kako. Di ko na magawang magreklamo pa dahil wala na kong panahon maghagilap pa ng ibang taxi.

Kahit sang direksyon ka lumiko at pumasok ay sadyang traffic. Lalo na nung pumasok na kami ng Mandaluyong Circle. Akala mo ay namamangka ka sa may tabing isla dahil lubog na naman ang buong paligid ng City Hall. Umaalon hanggang sa dalampasigan ang maduming tubig na galing sa mga kanal at katabing creek. Mabuti na lang at sa taxi ako nakasakay, hindi ko maaamoy ang masangsang na halimuyak ng Mandaluyong tuwing umuulan. "diretso pa ba?", sabi nya... "Ah, oo!", kako. Pag dating namin ng Boni extension ay agad na naman nyang nasabi, "Nakow!!! Kalintowng!!" Sa sobrang lalim ng baha ay talagang nagdalawang isip siyang tumuloy. "Papasukin tayow!", sabi ng mamang driver. "Aghhhhh! sige iikot nyo na lang. Sa Shaw tayo!"

5:30 na ay nakasakay pa rin ako sa taxi. 3:30 ang aming usapan. Sabi nya ay OK lang daw dahil stranded din naman daw siya sa school.

Habang tinatahak namin ang matubig at traffic na daan patungong Shaw Blvd. ay patuloy namang naglalabas ng sama ng loob si manong sa akin. Dahil wala na rin akong magawa at wala namang sounds ang taxi nya, sinubukan ko na rin siyang kausapin. Sinasakyan ko na lang ang kwento nya upang hindi naman sha ma bore.
Sa wakas ay tapat na ng JRU (Jose Rizal University). Medyo malaki na rin ang metro ko kaya nag disisyon na ko na wag nang tumuloy ng Kalentong at sa may kanto na lang ng JRU ako bumaba. Mukhang dismayado si manong hindi dahil sa hindi ko nasagad ang kanyang metro kundi dahil nabitin siya sa aming kwentuhan (na siya lang naman ang nag-eenjoy). Pagkaabot ko nang bayad ay bumaba na ako at muling naglakad hanggang school. Sa awa ng Diyos ay nakarating naman ako ng matiwasay at muli akong nakakita ng mga pamilyar na mukha...

No comments:

Post a Comment