11/24/2010

Unang Kabanata: The Bus Experience

Usapang YM
Sinubukan ko na ang lahat ng estilo ng pagtitimpla ng kape pero talagang kelangan ko bumili ng 3-in-1 o kaya eh yung ready made na na kape para mag enjoy ako. Kaya madalas akong tambay ng mga coffee shops eh. Mahilig kasi ako sa kape pero lintek di ako marunong mag timpla ng naaayon sa gusto ng dila ko. Isang beses lang may pumuri ng timpla ko ng kape, nung pinag timpla ako ng kape ng tita ng ex-girlfriend ko nung burol ng nanay ni Maricel Soriano. Talagang kinabahan ako ng todo nun. Naisip ko baka lalo akong hindi tanggapin ng pamilya nila kapag mali ang timpla ko ng kape. Buhos dito, buhos dun, timpla dito, timpla dun. Tantsa-tantsa lang. Walang eksaktong sukat. Ni-hindi ko alam kung matamis, matabang, maalat, at kung ano-ano pang lasa ang maaaring malasahan sa pinag-gagawa kong timpla. Pag dating sa lamesa ay hiyang-hiya kong inabot ang tinimpla kong kape. Nakatingin silang lahat saken na para bang sinisibat ako ng kanilang mga mata. Nakailag naman ako ng husto kaya hindi ako nasugatan. (The moment of truth na!) Tinikman na ni Tita ang mahiwagang kape na aking tinimpla ng walang pag-aaalinlangan. SssSSuppp... Rinig na rinig ko ng ginawa nya ang first sip sa aking masterpiece.

"OK... Pwede na! Tama lang..." Ito ang mga salitang kanyang binitawan. Nakangiti ako ng hindi mo alam kung ngiting natutuwa, kinakabahan, natatakot, nagigimbal, o kung ano mang damdamin ang bumabalot sa aking isipan. "Nagjojoke ba to?", sa loob-loob ko lang. Ako nga gusto kong isuka yung mga kapeng tinitimpla ko eh, tapos pasado sa kanya. Halleluja!

Unang Kabanata
... continuation ng Ikalawa

Matapos kong makuha ang mga gamit na iniabot sa akin ng aking ex ay nagpaalam na ako dahil kinailangan ko nang magmadali upang makauwi ako kaagad dahil siguradong mahirap sumakay ng bus. Mahigit 30 minutes akong naglakbay mula eskwelahan hanggang EDSA. Of course, dumaan pa rin ang jeep na sinasakyan ko sa binahang Boni Ave. Kulang na lang ay sagwan at mukha na kaming rescue team nung panahon ng Ondoy.

Paglapag ng EDSA ay binuksan ko na ang payong kong punong puno ng aking pirma at pangalan. Minsan na kasi akong ninakawan ng payong. Payong na nga lang, ninanakaw pa. Mahangin at maulan pa rin. Patuloy pa rin sa pagsinghot sa tumutulong sipon ang aking ilong. Naglakad ako hanggang sa eksaktong bus stop para mas mainam na makasakay. Makaraan ang isang oras ay tatlong bus na papuntang DasmariƱas ang nakalampas. Nag-isip ako kung bakit. Sinubukan kong maglakad bandang unahan para hindi ako mapag-iwanan. Mas marami palang nag-aabang dun. Napansin kong puro babae lang ang kanilang dinadampot. Para silang mga alien na nag aabduct ng bawat dalagang kanilang masisilayan. Parang bangbus tuloy ang dating. Nang masulyapan ko ang puting bus na aking iniintay ay nagmadali ako, hinintuan nito ang isang babaeng nasa edad 30 na pataas. Dali-dali akong sumunod dito at sinamantala kong bukas ang pinto ng bus kaya't nakatalon pa ako papasok. Yes! makakauwi na rin sa wakas.

Punuan talaga!
Siksikan at wala nang mapwestuhan pero sige pa rin. Tayuan na at kung saan-saan na nakasiksik ang mga pasahero. "Saan?", sabi ng konduktor na mukhang dismayadong may nakalusot na lalake sa kanilang mahigpit na pagpapasakay. Binanggit ko ang destinasyon at inabutan ako ng ticket sabay sabi ng "Magkano?". P58.00 daw ang pamasahe ko. Hindi ko alam kung nagkamali ako ng dinig pero nag-abot na lang ako ng eksaktong P70.00. Wala na kasi akong panahon pang tingnan at bulatlatin yung ticket dahil sa sobrang sikip at sa halimuyak na nagmumula sa katawan ng konduktor na animoy may patay na kung ano. Inabutan nya ako ng sukli at napansin kong dalawampiso lang ang kanyang binigay. Sabi ko, "Boss, yung sampu?" Ibinigay nya naman ng walang pag-aalinlangan. Habang binubunot nya ang sampu ay bakas sa pagmumukha nyang isa itong joketime. Bagamat siksikan ay binulatlat ko na rin ang binigay na ticket sa akin. Susmaryanogarapon! P48.00 lang dapat ang babayaran ko. Ang kapal ng pagmumukha ng hayop! Di na lang ako nagcomment dahil baka bigla nya akong pababain. Mahirap pa namang sumakay sa gitna ng ulan.

May mga gustong sumakay ng bus na aking sinasakyan. Para silang mga batang late at nagmamakaawang sumakay ng school bus. Pilit nilang hinahabol ang aming sinasakyan. Onting-onti na lang at lulubog na, kung barko ang aming sinasakyan. Puno hanggang sa may windshield ng bus. "Wag yan, babae lang!", sabi ng walangyang konduktor. May nadaanan silang babae at kanilang binuksan ang pinto, at nakasakay naman agad ang dalaga. May mga nakasunod nga lang na mga maton na mukhang alam na rin ang estilo ng pagsakay, gaya lang ng aking ginawa.

Punong-puno na talaga at wala nang masiksikan pa. Kahit ang mga bababa ay hindi magkamayaw kung paano sila dadaan sa makipot na sasakyan dahil sa mga nakaharang na tao sa daanan, (at isa na ako dun). Bangga dito, bangga dun. Parang bangbus na talaga ang sitwasyon. Tuwing may bababa ng EDSA ay di ko mapigilang mainis dahil "DASMA" ang signboard ng bus at hindi EDSA! Tanggap ko pa kung parteng CAVITE na sila bumaba.

Sabi ko sa sarili, konting tiis na lang dahil paglampas ng expressway ay mangangalahati na ang sakay. 30 minutes na ang lumipas ay nasa EDSA pa rin kami at talagang masakit na ang talampakan, paa, braso, hita, balakang, lahat na ata ng kasukasuan ko ay masakit. Pakiramdam ko tuloy eh tatrangkasuhin ako. Pagdating ng expressway ay smooth na ang byahe. Dapat lang, expressway yun eh.

Paglampas ng expressway ay inaasahan kong marami ang bababa. Marami ngang bumaba, kung kaya't para akong lantang gulay kung yasakin ng mga dumadaan pababa ng bus. Nasa may bandang unahan kasi ako kaya salang-sala ko lahat ng bumababa. Marami nga ang bumaba subalit marami pa rin ang natira, at parang wala namang nagbago sa itsura ng bus. Hindi ko tuloy mapagtanto kung san nanggaling yung mga bumaba dahil mukha namang walang nabawas.

At syempre hinding-hindi ko malilimutan ang maligalig na batang kalong-kalong ng kanyang ina na nakaupo sa likod ng upuang sinasandalan ko. Pilit nitong tinatadyakan ang pwet at likod ko. Nakakairita pero wala akong magawa dahil kahit papaano eh may awa pa rin naman ako. Iritang-irita ako dun sa bata lalo na nung nagsimula na tong magpamalas ng malatiyanak nitong iyak. Hays! ayoko talaga ng bata lalo na kung ganon. Naiimagine ko na yung sarili kong pasimpleng dinudukot yung mga mata ng bata habang hindi nakatingin ang ina nito. Gustong-gusto ko sana itong ihagis papalabas ng bintana, kaya lang ay isang higanteng breakable glass ito at hindi yung tipong naaangat para buksan. Pero gayunpaman ay gusto kong subukang ipambasag ng breakable glass yung bumbunan nung bata para malaman kung breakable nga ba ito (yung bumbunan nung bata).

Paglampas ng Bacoor ay inakala kong makakaupo na ako dahil kadalasan ay ganun naman ang sitwasyon. Nanlaki yung mga mata ko nung nakita kong wala paring pinagbago ang bilang ng mga taong nakatayo bagamat sangkatutak na ang mga bumaba. Napaisip tuloy ako kung meron bang pinto yung kusina ng bus at para bang habang may bumababa ay may sumasakay mula sa likod. Naisip ko pang magbaligtad ng T-shirt sa akalang baka namaligno lang ako, pero nakakahiyang gawin yun kaya di ko na ginawa. Pagdating ng Imus ay nakatayo pa rin ako. Pero nakita ko naman na nabawasan na ang bilang ng mga taong nakatayo. Yun nga lang, sinisipa pa rin ako ng maligalig na bata sa aking likuran. Nang medyo makaluwag-luwag pa ay bahagya na akong umatras sa may likuran ng bus para makaiwas sa maligalig na nilalang. Unti-unti akong kinukubabangan ng demonyo at sinasabing, "Try mo kayang tadyakan yung bata, walang bawal-bawal. Sarap kaya, try mo!" Parang commercial lang ng kape. Pero may ulirat pa naman ako kahit masakit na yung ulo ko dahil sa patuloy na pagdaloy ng sipon sa aking palasipunan.

Sa wakas ay pumasok na sa teritoryo ng DasmariƱas. Nakaupo na rin sa wakas! Kahit onting panahon na lang ang nalalabi para aking mapagsamantalahan ang mga upuang nabakante ay agad akong namili kung saan magandang magpahinga. Bandang likod ang may pinakamaraming bakante kaya dun ako napadpad. Kahit papano ay medyo nakaidlip pa ko.

At sa wakas ay Robinson's Pala-pala na. Anong petsa na pagtingin ko sa aking relo. Parang isang siglo na ang lumipas. "Trece!", sigaw ng manyakol na konduktor. "Whatever?!~", ang sabi ko sa aking sarili. At bumaba na nga ako. Magtetext na dapat ako sa aking ama para magpasundo pero dead-batt na pala ako. Ang saya-saya talaga ng araw na yun. Eh ano pa nga ba kundi nag jeep na lang ako pauwi. Pagbaba ko ng jeep ay agad akong sumakay ng tri-cycle. Pagpasok ko sa loob ay inukupa ko ang buong sasakyan. Tumingin ang driver at nagtanong, "Saan boss?"... "Ah, de Vera!", kako. Tumingin sya sa akin na parang tanga lang. Natural na sakin yun tuwing sasakay akong tri-cycle. P21.00 kasi ang special na sakay, pero hindi ka naman talaga ituturing na espesyal. Masosolo mo lang yung trip. So kahit mag yosi ka dun, uminom ng isang kahong beer, sumayaw, magdrugs ay walang pakialam sayo ang driver dahil special trip nga ito. At ang palagi kong naririnig na sinasabi nilang, "mayaman eh...", kapag special trip. Sa loob-loob ko ay, "di naman, may pambayad lang."

Pagdating ko ng bahay ay sinalubong ako ng aking mahal na ina at siya'y nagtanong, "Oh? bakit ka ba umuwe?" Di na ako sumagot dahil kakatext ko lang nung umaga at sinabi kong uuwi ako dahil biglang nagbago ng day-off sa trabaho ko at yun eh yung araw na yun. Nakakabwisit lang isipin na nagtatanong pa siya dahil nag reply pa nga sya sa text na yun at sinabing mag text ako para masundo. Pag-akyat ko ng kwarto ay natutulog ang aking ama. Ang tanong nya naman ay, "Bakit di ka nagtext?" Medyo mas sensible yung tanong nya dahil di naman nya alam na patay na yung telepono ko kaya ang sagot ko lang ay, "lobat ho."