1/18/2011

Welcome to my Lungs

Left side was last year when I had Bronchitis,
Right side was just yesterday when they checked me for TB
Kagagaling ko lang ulit ng La Salle DasmariƱas, Cavite. Anong ginawa ko doon? Malamang nagpagamot. Bwiset na sakit yan, wrong timing kung dumapo sa katawan ng tao. Sa bagay, kelan ba talaga naplano ang mga sakit?

Isang araw ay pumasok ako sa opisina na masakit ang dibdib at nagbabadyang sumasakit na rin ang likuran. Bandang baga lang naman. Hindi ko talaga alam kung muscles ko ba yung masakit, buto, o baga ko. O baka sadyang masakit lang ang likod sa madaling sabi. Ininda ko ang sakit at patuloy na nagtrabaho. Nakaramdam akong parang gusto kong bumahin. "Hatsing!" Hindi ko po napigilan mga kaibigan. Sumabog ang aking laway sa aking mga palad. Ewww... kadiri? Oo! Dali-dali akong tumakbo sa palikuran upang magsabon at maghugas ng kamay. Virus! Bacteria! Stay away! Ngunit, subalit, datapwat, bagkus ay hindi na ito napigilan. Matapos ang isang matinding bahin ay inubo na ako ng bahagya.

Sumunod na gabi ng aking pagpasok ay may kasama ng sipon. Naninikip ang dibdib at lubhang sumasakit ang mga tagiliran at likuran. Trangkaso? Walang tanong-tanong. Diretso lang sa trabaho. Dumaan ako ng clinic at sa hindi ko mawaring dahilan ay binigyan ako ng nurse ng Kremil-S. Panalo! Ininum ko ito at walang nangyari. Parang ayaw ko ng hulaan ang dahilan kung bakit. Trabaho lang.

Ikatlong gabi ay pumasok pa rin ako. Matindi-tindi na ang ubo. Humahagalpak na na parang kulog. Bumabayo ang baga na parang snare drums. Naninikip ang aking dibdib at parang pinipiga ang puso. Ininda ko lang ang nararamdaman dahil takot masabihan ng maarte. Tuloy lang sa trabaho kahit hirap ng makabenta.

Ikaapat na araw ano na nga ba ang nangyari? Pumasok pa rin ata ako sa katigasan ng ulo ko pero parang bawat araw palala ng palala ang sitwasyon. Parang "malamang!" ang natatanging reaksyon dito. Kung kaya't kinaumagahan ay minabuti ko ng bumisita sa aking long lost friend, si Doctor Leyva. Ang aming family doctor. Tatay ko lang ata ang di dumaan sa kanya. Mas madali magpagamot sa taong kilala ka na. Ang problema para ko na siyang pangalawang nanay kaya hindi maiiwasan ang ako'y mapagalitan.

Doc: Baka naman nagyosi ka pa?
Ako: ☺...
Doc: Ang tagal sumagot... naku! at nakangiti ka pa?! Nagtaka ka pa!
Ako: ☺

Matapos ang sermon, este ang check-up ay binigyan nya ko ng reseta ng gamot at medical certificate na kung saan ang inaasahan kong isang araw na absent ay ginawa nyang lima. Limang sunod-sunod na araw nya ko gusto pagpahingahin. Baka may sweldohin pa ko nun? Mabuti na lamang at dalawang araw akong sadyang walang pasok. Pero makalipas ang apat na araw ay pumasok na ako. Hindi ko sinagad ang limang araw nyang payo. Talagang suwail ata ako kahit kaninong magulang. Hindi ko rin naiinom ng tama sa oras ang mga gamot dahilan sa layo at oras ng trabaho ko mula sa bahay ko.

Matapos ang isang linggong gamutan ay parang walang nangyare. May sikreto kasi ako. Humithit ulit ako ng yosi, hihihi. Ayun! La Salle Medical Center sa DasmariƱas, Cavite ako bumagsak. Family Doctor pa rin, si Dr. Jason See. Atypical Pneumonia ang kanyang findings. Kaya pala di tumatalab ang antibiotic ko galing kay Dr. Leyva. Nag-request sya ng laboratory test, X-ray at CBC (Blood Count) at kung anu-ano pa. Sanay na ko sa turok ng karayom kaya di na ko nagpatumpik-tumpik pa, wag lang ituturok sa mata.

At matapos nga ang matagal na paghihintay ay heto na. Ang resulta, negative sa TB. Yey! Ang gulo pero at least good news. Siguro iniisip nyang TB sakit ko dahil mejo mapula ang plema ko. Baka nagasgas lang lalamunan ko kakaubo. Oh well... ☺