6/16/2014

Commuter Perks: Uwian na.

Dali-dali mong tinapos ang iyong trabaho nang makita mo na tatlong minuto ka ng overtime. Sa pagmamadali mong makalaya sa mistulang kulungan ng kaligayahan ay muntikan mo pang makalimutan ang mag 'log out'. Nagtatakbo ka sa may elevator at may higit isang minutong nanguyakoy ng nakatayo habang hinihintay makaakyat ang lift mula sa garahe hanggang sa ika-apat na palapag kung saan ka naroon. Sa may bulwagan ng gusali ay hinarang ka pa ng dalawang guwardya upang siyasating maigi ang laman ng iyong bag.

Sa wakas ay nakalapag ka na rin sa mismong mundo. Dinama mong mabuti ang nagbabagang simento at nasabing, "Shet! ang inet!". Mainit pero makulimlim sa kabilang dako. Maalinsangan ang panahon. Bagnas pawis mong nilakad ang may tatlong daang metrong layo ng himpilan ng bus mula sa tarangkahan ng iyong pinagtatrabahuhan. Habang nilalakad-takbo mo ang direksyon ng iyong patutunguhan ay napatigil ka nang dumaan ang bus na dapat mong sasakyan. Wala pa sa kalahati ang iyong narating kung kaya't nag-iyak-tawa ka na lang.

Pagdating mo sa himpilan ay napansin mong may dalawampung katao na agad na dito ay nag-aabang ng masasakyan. May limang pangunahing destinasyon ang mga bus na nagdaraan dito. May liliko ng Ayala, didiretso ng Alabang, gagawing FTI, dadaan sa Baclaran, at ang biyaheng Pala-pala. Dumaan ang bus na rutang Ayala at may limang katao ang agad nitong naisakay. Dumaan ang Baclaran at nasa pito ang nag-uunahang makasampa dito. Paparating na ang biyaheng FTI at may tatlo o apat na nagtutulakang makaakyat sa estribo ng bus. Marami-rami na rin ang nabawas sa hanay ng mga pasaherong naghihintay. Hindi pa dumarating ang bus na dapat mong sakyan. Pagdaan ng biyaheng Alabang ay halos naubos mo na sa countdown ang dalawampung iyong nadatnan. Ngunit paglingon mo sa paligid ay halos dumoble pa ang bilang ng mga nag-aabang. Ang tao sa Metro Manila ay parang mga langgam, kawawalis mo pa lang ay isang pulutong na naman ang nandiyan.

Pumwesto ka na sa may bandang harapan dahil nararamdaman mo nang paparating na ang iyong tagapagligtas. Makalipas ang mahigit dalawampung minuto ay dumating din siya. Sinalubong mo ito upang masigurado na ikaw ang unang maisakay. Paghinto ng bus ay ikinagulat mong panglima kang nakasampa. Ni-hindi mo na maalala kung saan nagmula ang mga nakasabay mo sa pila.

Sa loob ng bus...

O dikit-dikit na lang ho, O dikit-dikit pa! O padaanin 'nyo po kung ayaw ninyong umatras. O pakisandal na lang po sa kanan at paraanin sa kaliwa O ng makapasok na. Tapatan na lang po tayo kaliwa't kanan d'yan O. Yung malalayo pa dito na umatras na sa likod O. O yung mga bayad, pakiabot na lang O. O san ka iho?

Tayuan. Siksikan. Mainit. Pawisan. Kiskisan ng mga balat at ng kung anu-ano pang maaaring kumiskis. Heto ang normal na eksena sa isang bus kapag uwian na ng karamihan.



To be continued...

6/09/2014

Usaping Wika

hu r u to do 2 tell me what doing! Your discussting n patethick! Shut yor mouth U peace of shet!! I don care whose your family is? Who ever you r U can full me! Im smArt!! and uR dam. you no? s2pid more on? duh. bWe33z3t tAlaguh

Sakit ba sa ulo? Ako rin, nahirapan sa paglikha nyan.

Ang wikang ingles ay isa lamang sa maraming wika na ating nalalaman bilang mga Pilipino. At dahil d'yan ay taas-noo nating kayang sabihin na tayo ay 'bilingual' o 'multi-lingual'. Kaya tayo mahal ng maraming turista ay dahil kumpara sa ibang mga bansa at lahi ay kaya nating makipag-sabayan sa pakikipagtalastasan sa iba't ibang nasyonalidad. Nararapat lamang na ito'y ating ipagmalaki, subalit huwag naman nating abusuhin.

Mga kaibigan, Pinoy po tayo. Kung hindi naman banyaga ang kausap natin o magbabasa ng sinusulat natin, hindi po natin kailangang mag-ingles ng pilit. Hindi sa hindi pwede o hindi dapat, ngunit 'hindi kailangan'...

Ang magkamali sa wikang banyaga ay hindi naman natin dapat ikahiya dahil hindi naman ito sariling atin. Ang mas nakakahiya ay kung sa mismong sarili nating pambansang wika, nahihirapan pa tayong makipag-usap ng matuwid at nasa ayos. ajejeje

(inspired by social media comments section)

6/07/2014

Commuter Perks

Commuter Perks:
Experience Level: Expert
Sumakay ka ng jeep. Punuan. Siksikan. May maaamoy kang Lady's Choice. Pero wala namang kumakain ng sandwich... kaya mag-iimbistiga ka. Nasaan ang salarin? Unti-unti ay mapagtatanto mong ang lady's choice ay nagiging amoy sinigang sa sampalok at ito'y nanununtok. Mabibigla ka at marahan mong maidadampi ang iyong hintuturo sa bandang ilalim ng iyong ilong.
Mabilis na kumikilos ang iyong mga mata upang maghanap ng ebidensya. Pero mahirap mahuli ang kalaban. Wala kang magawa kundi ihilamos ang iyong buong palad sa iyong mukha dahil nakapag-bayad ka na. Nauubusan ka na ng pasensya at galaw kaya tinakpan mo na ng buo mong kamay ang iyong ilong at bibig at waring nangangalumbaba at nag-iisip ng malalim.
Para itong isang kumakalat na epidemya. Nanunuot ito sa mga singit-singit ng iyong mga daliri at minsanang napapatambay sa butas ng iyong ilong. Hindi na magkamayaw ang iyong mukha sa kung papaanong ekspresyon pa ang kaya nitong gawin sa hindi maipahiwatig na nararamdaman.
May bumaba at may sumakay... isang dalagang estudyante na mukhang mabango. Hindi ka na nagdalawang isip na patabihin sya sa iyo. Mukhang nakaramdam din sya at nagbuhos ng may hindi kamahalang cologne. Agad-agad mong nilanghap ang aroma nito. Ngunit sa bandang dulo ay pumitik at sumampal sa iyo ang muli'y nagpapakilalang asim ng sinigang.
Wari'y humahagod at sa tindi ng tama ay para kang uminom ng isang basong Gin na walang panawid-lasa. Gumuguhit sa lalamunan. Unti-unti ka nang nahihilo. Agad kang lumingon papalayo at kinausap ang isang ale sa iyong tabi. Kunwari'y natatawa ka sa inyong usapan, pero ang totoo ay natatawa ka na sa sarili mo dahil hindi na magkaintindihan ang iyong ilong at utak kung papaano mo paniniwalain ang sarili na sariwa pa ang hangin.
Sa kahabaan ng tatlong kilometrong ispalto ay humarurot ang mamang tsuper. Sa wakas ay napawi ng humahagaspas na hangin ang malubha mong suliranin. Parang mas gusto mo pa ang amoy ng pinaghalong dumi at ihi ng baboy na napabayaan ng isang linggo kumpara sa amoy ng isdang ibinabad sa pinaghalo-halong suka't toyo, sampalok at kamatis, kalamansi at mayonnaise, at panis na paa na ibinuro ng isang dekada.
Sa wakas ay papara ka na sa may kanto sa tabi ng 7-11, at baba ka na. Sarap mag commute...