Ads 468x60px

6/16/2014

Commuter Perks: Uwian na.

Dali-dali mong tinapos ang iyong trabaho nang makita mo na tatlong minuto ka ng overtime. Sa pagmamadali mong makalaya sa mistulang kulungan ng kaligayahan ay muntikan mo pang makalimutan ang mag 'log out'. Nagtatakbo ka sa may elevator at may higit isang minutong nanguyakoy ng nakatayo habang hinihintay makaakyat ang lift mula sa garahe hanggang sa ika-apat na palapag kung saan ka naroon. Sa may bulwagan ng gusali ay hinarang ka pa ng dalawang guwardya upang siyasating maigi ang laman ng iyong bag.

Sa wakas ay nakalapag ka na rin sa mismong mundo. Dinama mong mabuti ang nagbabagang simento at nasabing, "Shet! ang inet!". Mainit pero makulimlim sa kabilang dako. Maalinsangan ang panahon. Bagnas pawis mong nilakad ang may tatlong daang metrong layo ng himpilan ng bus mula sa tarangkahan ng iyong pinagtatrabahuhan. Habang nilalakad-takbo mo ang direksyon ng iyong patutunguhan ay napatigil ka nang dumaan ang bus na dapat mong sasakyan. Wala pa sa kalahati ang iyong narating kung kaya't nag-iyak-tawa ka na lang.

Pagdating mo sa himpilan ay napansin mong may dalawampung katao na agad na dito ay nag-aabang ng masasakyan. May limang pangunahing destinasyon ang mga bus na nagdaraan dito. May liliko ng Ayala, didiretso ng Alabang, gagawing FTI, dadaan sa Baclaran, at ang biyaheng Pala-pala. Dumaan ang bus na rutang Ayala at may limang katao ang agad nitong naisakay. Dumaan ang Baclaran at nasa pito ang nag-uunahang makasampa dito. Paparating na ang biyaheng FTI at may tatlo o apat na nagtutulakang makaakyat sa estribo ng bus. Marami-rami na rin ang nabawas sa hanay ng mga pasaherong naghihintay. Hindi pa dumarating ang bus na dapat mong sakyan. Pagdaan ng biyaheng Alabang ay halos naubos mo na sa countdown ang dalawampung iyong nadatnan. Ngunit paglingon mo sa paligid ay halos dumoble pa ang bilang ng mga nag-aabang. Ang tao sa Metro Manila ay parang mga langgam, kawawalis mo pa lang ay isang pulutong na naman ang nandiyan.

Pumwesto ka na sa may bandang harapan dahil nararamdaman mo nang paparating na ang iyong tagapagligtas. Makalipas ang mahigit dalawampung minuto ay dumating din siya. Sinalubong mo ito upang masigurado na ikaw ang unang maisakay. Paghinto ng bus ay ikinagulat mong panglima kang nakasampa. Ni-hindi mo na maalala kung saan nagmula ang mga nakasabay mo sa pila.

Sa loob ng bus...

O dikit-dikit na lang ho, O dikit-dikit pa! O padaanin 'nyo po kung ayaw ninyong umatras. O pakisandal na lang po sa kanan at paraanin sa kaliwa O ng makapasok na. Tapatan na lang po tayo kaliwa't kanan d'yan O. Yung malalayo pa dito na umatras na sa likod O. O yung mga bayad, pakiabot na lang O. O san ka iho?

Tayuan. Siksikan. Mainit. Pawisan. Kiskisan ng mga balat at ng kung anu-ano pang maaaring kumiskis. Heto ang normal na eksena sa isang bus kapag uwian na ng karamihan.



To be continued...

No comments:

Post a Comment